Friday, May 12, 2017

Kabanalang Tulad ni Kristo(Holiness-Like Christ)

1Pedro 2:21

Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkakatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan.
Ang Panginoong Jesus ay hindi lamang basta nagdemand sa mga mananampalataya na mamuhay ng banal. Siya ay nag-iwan ng halimbawa sa mga mananampalataya upang kanilang tularan. Siya mismo ay nagpakita ng pamumuhay ng kabanalan hindi lamang sa dahilang Siya ay Diyos kundi sa dahilang pinili Niyang ipamuhay ang kabanalan. ​
Ang isa sa mga palatandaan ng pamumuhay na banal ay ang kakayahan nating maging mapagtiis. Ang pagtitiis na ito ay inihalimbawa ng Panginoong Jesus.​
I. Ang Pagtitiis ng mga Mananampalataya (t.18-20)
       - may mga tao sa paligid natin na kailangang pagtiisan.
   18- magpasakop at igalang ang amo, hindi lamang ang mga mababait pati malulupit.          - kapuri-puri ang magtiis ng parusa kahit walang kasalanan.
   19- nagtitiis ang marami dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos. Ito ay kapuri-puri, dapat ipagpasalamat at kilalaning biyaya ng Diyos.
      - pagpapalain ang nagtitiis dahil sa paggawa ng mabuti.
   20- sinansala ni Pedro ang mga nagtitiis dahil sa masama. Pinalakas naman niya ang mga nagtitiis dahil sa paggawa ng mabuti. Sa panahong iyon, nagaganap ang kawalan ng katarungan.
II. Ang Pagtitiis ng Panginoong Jesu- Cristo (t. 21-24) - ang pagtitiis ng Panginoong Jesus ay para sa mga mananampalataya.
   21- ang pagtitiis ng Panginoong Jesus ay huwaran sa lahat ng mga mananampalatayang dumaranas ng mga pagsubok.
      - ang pagtitiis ng Panginoong Jesus ay pinatunayan ng hindi Niya paggawa ng kasalanan.
   22- ang pagsubok at mga pahirap sa buhay ay maaaring magtulak sa mananampalatayang mahulog sa pagkakasala. Ang Panginoong Jesus ay hindi nagkasala sa kabila ng matinding hirap na dinanas.
      - ang pagtitiis ng Panginoong Jesus ay pagpapaubaya ng hatol sa Diyos.
   23- ininsulto, pinahirapan, subalit hindi nag-isip na maghiganti. Ipinaubaya Niya sa Ama ang hatol sa mga taong ayaw maniwala sa kanya.
      - ang pagtitiis ng Panginoong Jesus ay hanggang sa kanyang kamatayan sa krus.
   24- isinilang sa sabsaban, lumaki sa pamilya ng karpintero, naglingkod sa mga tao, tiniis ang kahirapan, hanggang sa daan ng paghihirap patungo sa krus, ang pagtitiis ay hanggang sa kamatayan sa krus.
Kabanalang tulad ni Cristo! Ito ang maging hangarin ng bawat isang mananampalataya. Ang kabanalang maaari nating magawa ay ang pagsisikap nating tularan ang Kanyang mga halimbawa kung paano Siyang nanatiling matuwid sa kabila ng mga paghihirap na Kanyang pinagdaanan patungo sa krus. ​
1. Tatagan at lakasan ang loob, may mga pagtitiis pa rin tayo. Habang tayo ay nabubuhay sa mundong ito, ang pakikibaka ay mananatili. Ang mga pagsubok ay patuloy na kakatok sa ating mga buhay. Huwag magulat kapag nansdyan na sila. Sa halip, maging handa at magpalakas. Nang sa gayon, dumating man ang pagsubok, magwawakas tayo sa buhay na nakatayo. Nabubuhay sa pananampalataya. Nagtitiis at patuloy na namumuhay sa kabanalan tulad ni Cristo. ​
2. Tingnan ang halimbawa ng Panginoong Jesus. Mahirap ang magdaan sa mga pagsubok lalo’t napakabigat nito para sa atin. Sa mga panahong pinanghihinaan na tayo ng loob, gusto na nating sumuko at naitutulak na tayo sa pagkakasala, balikan ang krus ng Panginoong Jesus. Pagbulay-bulayan ang ginawang pagtitiis ng Panginoong Jesus at doon ka humugot ng lakas upang magamit mo sa sitwasyong kinalalagyan. ​
3. Tayo ay may Pastol at Tagapangalaga ng ating kaluluwa (t. 25). Nagtitiis tayo sa maraming bagay. Bumabagsak at nanlulupaypay tayo. Nawawala tayo sa direksyon sa ating mga paglalakbay. Tila di na matiis ang pinagdaraanan. Lagi nating tatandaan, mayroon tayong Pastol na nagtiis na para sa atin. Mayroon taong Tagapangalaga na anumang pangangailangan natin ay tutugon at aalalay sa atin.

PURIHIN ANG PANGINOON

Go Back to Website

Sunday, April 9, 2017

Mula sa Dilim Tungo sa Liwanag (From Darkness into the Light)

1 Pedro 2:9
                    Datapuwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kamangha-manghang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan.
10- Dati-rati, kayo'y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y sumasainyo ang kanyang awa.
INTRO
                    Mga “
hinirang ng Diyos(1:1). Mga banal ng Diyos. Mga taong inihiwalay ng Diyos at pinili mula sa karamihan. Ito ang nais iparating ni Apostol Pedro sa mga mananampalatayang nasa iba’t ibang dako ng Asia Minor. Pinatitibay niya ang katotohanang ito sapagkat ang mga bagong mananampalataya noon ay nahaharap sa madilim na kalagayan ng sanlibutan.

                   Sa unang kabanata ng Unang Sulat ni Pedro, sinimulan ni Apostol Pedro ang pagtalakay sa kalagayan ng mga mananampalataya bilang mga “
hinirang ng Diyos.” Tinalakay niya ang mga katangian ng taong namumuhay sa kabanalan (1:13-14; 22-25). At itinuon ang kanyang mga mambabasa sa pagkilala sa Banal – ang Panginoong Jesu-Cristo (1:17-21)
ANG TAONG LUMIPAT MULA SA DILIM PATUNGO SA LIWANAG NG DIYOS AY...
I. KINAAWAAN NG DIYOS.

ANO ANG PAGKAKAIBA NG BIYAYA SA AWA?
Biyaya- kapag ibinigay ng Diyos ang isang bagay na hindi tayo karapat-dapat.Awa- kapag hindi ibinigay ng Diyos ang nararapat para sa atin.

Ano ang nararapat sa atin? Kaparusahan, kapahamakan, kamatayan.

ANG DATI NATING KALAGAYAN
( Dati-rati'y tayo'y hindi bayan ng Diyos )
1. Nasa ilalim ng poot ng Diyos dahil sa kasalanan. 2. Tayo ay patay dahil sa ating pagsalangsang at kasalanan. 3. Tayo ay namumuhay sa sanlibutan. 4. Namuhay sa kasalanan, sinusunod ang makamundong hilig. Awa ang ibinigay sa atin upang hindi maranasan ang kaparusahan.

ANG KALAGAYAN NATIN NGAYON
( Ngayon, tayo'y bayang hinirang Niya )
1. Tumanggap tayo ng awa at kapatawaran sa kasalanan. 2. Binuhay tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo sa kabila ng tayo ay patay na dahil sa ating pagsalangsang. 3. Tayo ay bayang hinirang ng Diyos, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Biyaya ang tinanggap natin.

Sa
1Pedro 2:10, sinabi ni Pedro na hindi tayo karapat-dapat sa awa ng Panginoon, ngunit ngayo'y nakamtan natin ang awa. Ito ang larawan ng dating pagkakahiwalay natin sa Diyos, ngunit dahil sa kanyang awa, tayo'y hinirang na bayan ng Diyos.BAKIT BINIGYANG DIIN NI APOSTOL PABLO NA ANG LAHAT NG ITO AY DAHIL SA AWA?
1. Mahalaga ang awa ng Diyos upang tayo ay maligtas sa tiyak na kapahamakan.2. Upang hindi tayo magmalaki o magmayabang na ang pagiging hinirang ng Diyos ay dahil sa ating sariling gawa.3. Mahalaga ang awa at habag ng Diyos upang tayo'y maging mabuting saserdote ng hari.4. Mahalaga ang ang awa ng Diyos upang maging epektibo tayo sa anumang ministeryo na ipinagkaloob sa atin.II. TUMATALIKOD SA LAHAT NG KASAMAAN ( t. 1-3)
     A. Tumatalikod sa lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang puri. (t-1).     B. Nanabik sa espiritual na gatas (t-2) Ang espirituwal na gatas ng mga mananampalataya ay ang salita ng Diyos. Ang salita ng Diyos ay kailangan upang magtagumpay sa masama.     C. Naranasan ang kabutihan ng Dios (t-3) Ang pagtalikod sa masama ay natural na nagaganap sapagkat naranasan niya ang kabutihang loob ng Diyos. Ang pagtalikod sa masama ay patuluyan.III. LUMALAPIT KAY JESUS (t 4-6)
     
     
A. Lumalapit sa Batong Buhay na pinili at mahalaga sa Diyos. Lumapit tayo sa ating Panginoong Jesus na siyang Batong Buhay. Ang paglapit sa Batong Buhay ang siyang magbibigay sa tao ng panibagong buhay.
     
B. Bahagi ng templong espirituwal. Nagiging bahagi ng gusali ng Diyos.
     
C. Nag-aalay ng mga handog na espirituwal.IV. KARANGALAN ANG PAGSAMPALATAYA KAY JESUS (t. 7-9)
   
     
A. Nalalaman nilang sila ay pinili ng Diyos. Ngunit kayo ay isang lahing pinili... Pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya.
   
 B. Nalalaman nilang sila'y kapahayagan ng liwanag ng Diyos Ang bawat mananampalataya ay ilaw ng sanlibutan dahil inalis na siya sa kadiliman.
     
C. Nalalaman nilang sila'y bayan ng Diyos. Ang pagiging bayan ng Diyos ay nagaganap hindi dahil sa kakayahan o kabutihan ng bayan kundi dahil lamang sa habag ng Diyos.


APLIKASYON

Mula sa dilim tungo sa liwanag….
1. Kinawaan Tayo ng Diyos Mahalaga ang awa ng Diyos upang tayo ay maligtas sa tiyak na kapahamakan. Upang hindi tayo magmalaki o magmayabang na ang pagiging hinirang ng Diyos ay dahil sa ating sariling       gawa. Mahalaga ang awa at habag ng Diyos upang tayo'y maging mabuting saserdote ng hari. Mahalaga ang ang awa ng Diyos upang maging epektibo tayo sa anumang ministeryo na ipinagkaloob sa atin.2. Talikuran na ang mga gawaing masama. Maaaring sabihin ng mga tagapakinig, hindi naman ako masama. Ang malaking tanong, nakakakitaan ba tayo ng pagiging mabuti? May mga ginagawa tayong hindi nakakasama sa iba. Subalit dapat na maging maliwanag ang buhay natin sa paggawa ng mabuti. 3. Lapit na sa Panginoong Jesus. Hindi tayo pipiliting lumapit sa Diyos. Isang malaking pagpapasya para sa isang tao ang tanggapin si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Kasunod ng paglapit sa Kanya ay ang pagpapala ng Diyos sa buhay ng sinumang sasampalataya. Kaya kung gusto nating pagpalain ang ating mga buhay, ang susi ay ang paglapit sa Pangingoong Jesus. 4. Pasalamatan ang Panginoong Jesus sa dulot Niyang karangalan sa buhay natin. Kung wala ang Panginoong Jesus, nananatili tayo sa buhay na malayo sa Diyos. Ang kapatawaran sa kasalanan ay hindi pa natin nakakamit. At ang kaligtasang dulot ng Kanyang kamatayan sa krus ay walang kabuluhan. Pasalamatan at pahalagahan ang ginawa ng Panginoon Jesus para sa atin.

PURIHIN ANG PANGINOON.

Go Back to Website

Monday, April 3, 2017

ANG HAMON SA BANAL NA PAMUMUHAY ​(A Challenge to Holy Living)

 1 Pedro 1:13-25

Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, "
Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal." I Pedro 1:15-16

          Pinalakas ni Apostol Pedro ang mga mananampalataya sa pagsasabing sila ay mga hinirang ng Diyos (1:1-2), na sila ay may buhay na pag-asa sa parating na hinaharap (1:3-6), na ang bunga ng kanilang pananampalataya ay tinatanggap na nila (1:7-9), at ang anumang ipinahayag ng mga propeta tungkol sa Panginoong Jesus ay para sa kanilang mga sumasampalataya sa Panginoong Jesus (1:10-12).

         Ang mananampalatayang nagpapahayag na siya ay “
hinirang ng Diyos” ay nararapat na mamuhay na may kabanalan sa lahat kanyang ginagawa sapagkat ang Diyos na humirang sa kanya ay banal.

         Bilang mga mananampalataya, tayo ay hinahamin para sa banal na pamumuhay.
I. CRISTIANO: Hinahamon sa Banal na Pamumuhay.

         Nalalaman ni Apostol Pedro na hindi madali para sa mga mananampalataya ang mamuhay ng banal sa gitna ng mga pagsubok na nararanasan. Dahil dito, ilan sa mga katangiang dapat mapasakanila ay dapat na mabigyang pansin bilang mga hinirang ng Diyos, bilang mga banal ng Diyos. Ilan sa mga katangiang ito ay makikita natin bago niya sabihin ang hamong magpakabanal at pagkatapos niyang ito ay sasabihin.
1. Handang isipan sa dapat na gawin. (13)

         Sa lumang salin- bigkisin ang inyong mga baywang ng inyong pag-iisip. - mahinahon at mapagpigil sa sarili
- nakahanda sa anumang sasabihin
- napipigil ang mga pananalita o gawang hindi nararapat
- ang pamumuhay na banal ay may nakahandang isipan.

2. Masunuring anak.
(14) - mahirap noon maging ngayon ang mamuhay na may kabanalan. - dapat magkaroon ng katangian na maging masunurin. - banal na katangian ang maging masunurin3. Nalinis sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan. (22) - ang pagsunod sa katotohanan ay nagbubunga ng pagiging totoo at tapat na pag-ibig sa mga kapatid. - ang kabanalan ay hindi lamang paglayo sa mga gawaing masama kundi maging hindi pagsang-ayon dito.
4. Muling isinilang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.
(23) - may forever ang salita ng Diyos - ang damo ay nalalanta, ang bulaklak ay kumukupas - ang Salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman - ang kabanalan ay forever dahil sa Salita ng Diyos. - ang kabanalan ay imposible kung walang pagsilang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.II. SI CRISTO: HUWARAN SA KABANALAN

         Sa talatang 15-16, binigyang-diin ni Apostol Pedro na ang dahilan ng banal na pamumuhay ay ang Diyos. Ang Diyos na humirang ay banal kaya dapat mamuhay ng banal. Ang iniutos ay “magpakabanal” kaya dapat magpakabanal. Sa naunang pagtalakay, nakita natin ang ilang mga katangian ng taong namumuhay sa kabanalan. Ngayon, makikita natin ang kabanalan ng Panginoong Jesus na Siyang dahilan kung bakit tayo dapat magpakabanal. Tingnan ang tatlong katotohanan tungkol sa kabanalan ng Panginoong Jesu-Cristo.

Si Cristo ay banal sapagkat…
1. Si Cristo ay Korderong walang dungis at walang kapintasan. (19) - ibinigay ng Panginoon ang Kanyang bugtong na anak - si Jesus ay banal2. Si Cristo ay itinalaga ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig. (20) - ang kabanalan ng Panginoong Jesus ay sa pasimula pa. - bago pa nilikha ang lahat ay naroon na ang Panginoong Jesus - Siya ay Diyos - Siya ay banal3. Si Cristo ang dahilan ng pagsampalataya ng mga tao Sa Diyos (21)! - naunawaan ng mga tao ang pag-ibig ng Diyos - nagkaroon ng pag-asa sa kapatawaran ng kasalanan dahil kay Cristo na napako sa krus - ang Cristong walang dungis - ang Cristong itinalaga ng Diyos - ang Cristong dahilan kung bakit tayo hinirang ng Diyos.

          Ang mamuhay sa kabanalan ay napakalaking hamon sa bawat mananampalagayang Cristiano. Mahirap o imposible kung iisipin, lalo’t tayo ay nabubuhay sa mundong tila hindi na bumubuti kundi lalong sumasama. Subalit maliwanag ang utos ng talatang 15-16, “
Magpakabanal kayo.” Naipakita sa pagtalakay ang ilang mga katangiang magpapakita ng kabanalan. Simulan natin ang paghakbang. Ang kabanalan sa buhay ng isang mananampalataya ay isang proseso. Hindi man ngayon ang ganap na kabanalan ng buhay natin, ang mahalaga, may pagsisikap na tayong ginagawa upang masunod ang utos na ito. Bantayan ang ating mga kilos. Pakinggan ang ating mga pananalita. Pakiramdaman ang tibok ng ating mga puso.

PURIHIN ANG PANGINOON.

Go Back to Website

Monday, March 27, 2017

ANG PAGKAKITA SA KILOS NG DIYOS ( Seeing God's Work )

Juan 3:1-8

   Juan 3:5
Sagot naman ni Jesus,
"Pakatandaan mo: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi ito makakapasok sa kaharian ng Diyos."

I. Pinuntahan ni Nicodemo si Cristo sa gabi.
Si Nicodemo ay iginagalang na puno ng mga hudyo at isang Pariseo.

Pharisee- a member of a Jewish sect of the intertestamental period noted for strict to observance of rites and ceremonies of the written law and for insistence on the validity of their own oral traditions concerning the law

Kung bakit sa gabi siya nagpunta dahil ayaw niyang makita ng kapwa Pariseo na siya ay komukunsulta ng mga teolohikal na bagay kay Jesus.
Nagpunta rin siya para siya ay matuto mula kay Jesus.


II. Nagkomento si Nicodemo ukol sa mga milagrong ginawa ni Jesus.
Sa ganitong paraan inumpisahan ni Nicodemo ang pakikipag-usap kay Jesus.

Juan 2:23
Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya.
Ayon kay Nicodemo, ito ay palatandaan na siya ay isang gurong mula sa Diyos.


III. Hindi naunawaan ni Nicodemo ang "ipanganak na muli ang isang tao."

Talatang 3- Sumagot si Jesus, "Pakatandaan mo malibang ipanganak na muli ang isang tao hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.

Talatang 4- Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling isilang?

Ang sinabi ni Nicodemo ay nagpapakita na hindi niya talaga nakikilala si Jesus, ang Mesias, at kung ano ang kanyang layunin sa mundo. Ang alam lang ni Nicodemo, dahil sa nagpakita Siya ng mga milagro, si Cristo ay isang miracle worker; at samakatwid, malaki raw ang posibilidad na mula Siya sa Diyos, kaya’t maaaring isa lamang Siyang propeta sa paningin ng Pariseo. Hindi nakita ni Nicodemo na mas higit pa si Jesus
dito—na Siya mismo ang instrumentong magsusulong ng kaharian ng Diyos, ang makapangyarihang paghahari ng Panginoon. Na si Jesus mismo
ang Anak ng Diyos.


IV. Ang kapanganakang muli ng isang tao.

Sa Griyego, ang salitang kingdom ay BASILEIA na ang ibig sabihin ay paghahari ng isa o someone's royal rule or kingship. God's rule o ang Kanyang paghahari ay laging may kaugnayan sa redemption o kaligtasan.

Talatang 3- ang hindi ipanganak na muli ay hindi makakakita o makakaranas sa paghahari ng Diyos.

Kung iuugnay natin ito sa konteksto, pinalalabas ni Jesus na hindi nakita o napansin ni Nicodemo na ang mga himalang ginawa ni Jesus ay mismong mga tanda na ng paghahari ng Diyos.


Talatang 3- sinabi ni Jesus na dapat ipanganak sa pamamagitan ng tubig at Espiritu.

tubig- paglilinis o kapatawaran
Espiritu- ang paggabay mula sa langit.

Kapanganakang muli o pagiging born again.
- pagpapakumbaba ng sarili
- paghingi ng tawad sa ating mga kasalanan
- kalinisan mula sa Diyos
- ang paggabay ng Espiritu sa ating buhay

Ipinanganak na muli ang isang tao na nagpasyang tanggapin si Jesus bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas.

Ang Pagkakita sa Kilos ng Diyos
- nakikita ang mga himala ng Panginoon sa ating buhay
- nadarama ang pagkilos ng Panginoon
- nararanasan ang pagliligtas
- nararanasan ang paggabay ng Banal na Espiritu.

Ang pagkilos ng Diyos sa ating mundo ay hindi basta-basta maipapaliwanag ng
logic at science. Ang mga ito ay laging kamangha-mangha o kakaiba sa pagtinging
pantao—walang pormulang ginagamit ang Diyos. Kung ano ang nais Niyang gawin,
mamamangha ka na lamang at iyon mismo ang mangyayari. Subalit, salamat sa Banal na Espiritu (tal. 6, tayo ay napapaalalahanan na mayroong Diyos na puno ng
kaluwalhatian, na hindi basta maikakahon. At dahil sa Espiritung Banal, tayo ay
napapakumbaba at napapapuri sa ating Panginoong makapangyarihan sa lahat.

PURIHIN ANG PANGINOON.

Go Back to Website

Tuesday, March 21, 2017

Si Kristo, sa Pamamagitan ng Banal na Espiritu. (Christ, Through the Holy Spirit)

March 19 - Si Kristo, sa Pamamagitan ng Banal na Espiritu. (Christ, Through the Holy Spirit)

Juan 16:12-15


   "Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnu bayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos." Juan 16:12-13a

   Sa talataang ito ang huling pagkakataon na binanggit ni Jesus ang tungkol sa Banal na Espiritu. Dahil ilang beses din Niyang nabanggit ang tungkol dito, dapat ay mas naiintindihan na ng mga alagad ang papel ng Banal na Espiritu sa kanilang buhay at ministeryo

   Sa pagsisimula ng kanyang ministeryo ipinakilala na ni Jesus ang tungkol sa Banal na Espiritu, subalit sa panahon ng kanyang pamamaalam sa mga alagad ipinaliwanag ni Jesus ang tungkol sa Kanyang pagbibigay ng Espiritu sa mga alagad.

   Sa pamamaalam na ito hinabi ni Jesus ang koneksiyon ng Diyos Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu.

   Mahirap mang maunawaan ng mga alagad, gayunman tiniyak ni Jesus na hindi Niya pababayaan ang mga alagad, at ang Banal na Espiritu ang tutulong sa kanila.

   
Tiniyak ni Jesus sa mga alagad na hindi sila mapapahamak kung ang Banal na Espiritu ang gagabay sa kanila.
- ang ituturo ng espiritu sa kanila ay para sa karangalan ni Jesus.
- ang sasabihin ng Espiritu ay mismong manggagaling sa Kanya.


Makakasama pa rin ng mga alagad ang presensiya ni Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
- maipagpapatuloy ng mga alagad ang kanilang gawain sa iba't-ibang lugar nang may kapanatagan at walang takot.
- magpaalalahanan ang mga alagad na harapin ang mga situwasyon kung paano ito hinarap ni Cristo nung siya ay kasama pa nila.


Ang mga talataang ito ay nagsisilbing paalala sa mga alagad ukol sa gabay at patnubay ng Banal na Espiritu.
- hindi sila pababayaan ni Cristo
- kahit umalis si Jesus sa mundo, makakasama pa rin niya sila sa mga tutuparing ministeryo, sa pamamagitan ng Espiritu.

Ang mensahe ng talataan ay angkop para sa mga mananampalataya nakakaranas ng mga struggle sa kanilang mga tungkulin bilang mga alagad ng ating Panginoon, dito sa mundong ginagalawan nating lahat.

Sa mga Cristianong nababahala sa kanilang mga ginagampanang responsibilidad sa simbahan at lipunan, gaya ng mga pastor na nagduda na sila ay tinawag ng Diyos, hindi sila dapat matakot dahil si Cristo mismo, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang kumikilos sa kanilang mga puso.

Sa mga manggagawang nawawalan na ng lakas dahil puro matitinding pagsubok na lamang ang kanilang hinaharap sa iba’t-ibang mga ministeryo, si Jesus mismo ang magpapalakas sa kanila upang ituloy ang mga tungkuling ipinagagawa sa kanila.

At, huwag kalilimutan na, gaya ng ipinahiwatig sa 16:13, ang mga mananampalataya ay kumikilos sa mundong ito batay sa gabay ng Banal na Espiritu.

PURIHIN ANG PANGINOON.

Go Back to Website

Monday, March 13, 2017

ANG KAPAYAPAAN AT PAG-IBIG NG ATING PANGINOON (The Peace and Love of our Lord)

March 12, 2017 ANG KAPAYAPAAN AT PAG-IBIG NG ATING PANGINOON (The Peace and Love of our Lord) 
Juan 14:27            Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot. I. Ang Kapayapaan ng Ating Panginoon. Juan 14:27 
           Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.            Wala tayong dapat ikabahala kung tayo ay nakay- Cristo dahil ang Banal na Espiritu ang magdudulot sa atin ng kapayapaan. Ang kapayapaang ito ay hindi dumedepende sa paligid o situwasyon tulad ng iniaalok na kapayapaan ng sanlibutan. Ito ay makalangit na kapayapaan, ito ang kapayapaan ng ating Panginoon. II. Ang Pag-ibig ng Ating Panginoon Juan 3:16 
            Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig na Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay Niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.             Ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ni Cristo. I Juan 4:9-10 1. Si Jesus ang pinanggagalingan ng ating kalakasan. Filipos 4:13 
            Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo. 2. Si Jesus ang pinanggagalingan ng ating kaaliwan. Juan 14:16 
            Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. 3. Si Jesus ang pinanggagalingan ng ating kapayapaan. Efeso 2:14 
            Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil ang mga Judio at mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin. III. Mayroon Tayong Kapayapaan Sapagkat ang Panginoon ay may Banal na Plano sa Bawat Isa sa Atin. 1. Ang kanyang Salita ang ating gabay Awit 37:23-24 
            Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong. 2. Kapag tinanggap natin ang plano ng Panginoon para sa ating buhay, mayroon tayong kapayapaan. 3. Sasaatin ang kapayapaan dahil tayo ay pinatawad.             Tayong mga Cristiano ay hindi dapat mabahala dahil ang Banal na Espiritu ang gagabay sa atin. Ayon sa ating teksto, ang kapayapaan at pag-ibig ng Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu, ay madarama natin, kung tapat nating susundin ang mga bagay na pinatutupad niya sa atin.

Go Back to Website

Monday, March 6, 2017

ANG PAGSUNOD SA ESPIRITU AY PAG-IBIG KAY CRISTO (Following the Spirit is Loving Christ)

March 05,2017
ANG PAGSUNOD SA ESPIRITU AY PAG-IBIG KAY CRISTO
(Following the Spirit is Loving Christ)
Juan 14:15-21 Ang mga talatang ito ay bahagi ng monologue ng Panginoong Jesus kung saan nakapaloob dito ang kanyang pagpapaalam sa mga alagad dahil siya ay malapit nang umalis sa mundo.

Dahil sa mga bagay na sinabi ni Jesus sa mga alagad, hindi nila maiwasang magkaroon ng takot at pag-aalala sa kanilang mga puso. Subalit kahit na Siya'y malapit nang umalis sa mundo, ipinangako ni Jesus na sila ay hindi maiiwang nag-iisa kailanman. 1. Tiniyak ni Jesus na hindi Niya sila pababayaan at ang Banal na Espiritu ang tutulong sa kanila. 2. Darating ang "Tagapagtanggol" o Banal na Espiritu na magpakailanma'y makakasama nila. v.16 3. Ang Espiritu ay nasa Kanyang mga alagad upang gumabay sa kanila para mas makilala Siya at sila'y susunod sa Kanya.vv. 17,18,21 Ganito rin ang tinitiyak sa atin ng ating Panginoong Jesus. Ang mga hamon sa mga alagad ay siya ring hamon sa atin 1. Sundin ang paggabay ng Banal na Espiritu. 2. Manatiling tapat sa pananampalataya at manatiling sumusunod sa mga utos ng Panginoon. 3. Kung iniibig natin si Jesus, susundin natin ang mga utos Niya na ating natutuhan at naunawaan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Tayong mga Cristiano ay hindi dapat mabahala dahil ang Banal na Espiritu ang gagabay sa atin. At hindi lamang yan, ang kapayapaan at pag-ibig ng Panginoon, sa pamamagitan ng Espiritu ay madarama natin kung tapat tayong susunod sa mga bagay na ipinatutupad ni Jesus sa atin. PURIHIN ANG PANGINOON!


Go Back to Website

Wednesday, February 22, 2017

APOSTOL PABLO: ANG KANYANG PUSO PARA SA MGA KABABAYAN (Apostle Paul: His Heart for Fellow Citizen)

February 19
APOSTOL PABLO: ANG KANYANG PUSO PARA SA MGA KABABAYAN
(Apostle Paul: His Heart for Fellow Citizen)
Roma 9:1-5

Roma 9:2-3
                    Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y susumpain at mawalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila.

Ang Roma 9:1-5 ay naglalarawan ng malalim na pagmamahal ni Pablo sa kanyang mga kababayang Israelita. Isang hiwaga na ang mga Israelita na tumanggap ng mga pangako ng Diyos ay nahiwalay kay Cristo, ang katuparan ng pangako ng Diyos.

Ang Roma 9-11 ay tumatalakay sa ugnayan ng Israel at ng mga Cristiano. May mga Israelita o Judio na nakumberte sa Christianity, samantalang ang karamihang Judio ay hindi kumikilala kay Jesus bilang katuparan ng nga pangako ng Diyos sa Lumang Tipan. Ipinaliwanag ni Pablo ang inclusion ng mga Hentil sa redemptive plan ng Diyos.

                      Marubdob na ipinahayag ni Apostol Pablo ang kanyang pagmamahal sa mga kababayan, at ang kanyang kahandaang magsakripisyo alang-alang sa kanila at sa mga pangako ng Diyos sa Israel.

I. Mariing ipinahayag ni Pablo ang kanyang dalamhati at sakit dahil sa kalagayan ng kanyang mga kababayan. ( t. 1-2 )
   a. Sinabi ni Pablo na ang katotohanang kanyang ipinapahayag ay mula kay Cristo at sa gabay ng Espiritu.
       1- Ako'y nagsasabi ng totoo sapagkat ako'y tagasunod ni Cristo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi, sa patnubay ng Espiritu Santo, ay nagpapatunay na nagsasabi ako ng totoo.

II. Ang hangganan ng kanyang dalamhati at sakit ay ang kanyang pagnanasang itakwil mula kay Cristo alang-alang sa kanyang mga kababayabg mga Isrselita ( t. 3 )

                      Pinatunayan ni Pablo ang katotohanan ng kanyang dalamhati at sakit para sa mga kababayan.

2-3 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mawalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. 


III. Inilarawan ni Pablo ang mga pribilehiyo at pagpapala na ipinadama ng Diyos sa kanyang mga kababayang Israelita ( t. 4-5 ) Sa talatang 4 at 5, inisa-isa ni Pablo ang pitong pribilehiyong ipinadama ng Diyos sa mga Israelita. 
     1. Ang pagkukupkop 
     2. Ang kaluwalhatian 
     3. Ang mga tipan 
     4. Ang pagbibigay ng kautusan 
     5. Ang paglilingkod sa Diyos 
     6. Ang mga pangako 
     7. Na sa kanila ang mga magulang 

Sinabi rin ni Pablo na sa mga Israelita nagmula sa Cristo. 

                      Ang pagsasakripisyo alang-alang sa kaligtasan ng mga tao ay malinaw na ipinakita ni Apostol Pablo sa lahat ng kanyang mga misyon. 

                      Pinahahalagahan din natin ang mga sakri-isyo ng mga nagtatag ng IEMELIF upang palaganapin ang ebanghelyo sa sariling wika, at sariling pagpupunyagi. Bagama't marami ang lumilisan sa bansa upang hanapin ang kasaganaan ng buhay sa ibang bansa, ang IEMELIF ay sumusubaybay pa rin sa kanila. Ang paghahari ng "diwa ng pag-ibig" ay isa sa mga prinsipyo na nais nating maisalin sa ating mga gawa. 

PURIHIN ANG PANGINOON.
Go Back to Website

Wednesday, February 15, 2017

MOISES: HUWARAN NG PAGIGING MAKABAYAN (Moses: A Model of Patriotism)

February 12, 2017 
MOISES:
HUWARAN NG PAGIGING MAKABAYAN
(Moses: A Model of Patriotism) Gawa 7:23-34



Gawa 7:23
            Nang si Moises ay apatnapung taon na, nagpasya siyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 
            Sinikap ni Moises na tingnan ang kalagayan ng mga Israelita, at ipagtanggol sa Egipcio ang inaaping kababayan, subalit siya ay kanilang itinakwil. Sa huli, isinugo ng Diyos si Moises upang sila ay palayain mula sa pagkakaalipin sa Egipto patungong lupang pangako.


 Sino si Moises? 
- isang dakilang lider 
- nakakausap ang Diyos 
- namuhay ng 120 taon 
- ipinakita ang kanyang pagiging makabayan. 


Sa kasalukuyang panahon, sino ba ang tinitingnan natin na halimbawa ng pagiging makabayan? 
- ang mga sumisigaw ba sa kalsada ng... MAKIBAKA! HUWAG MATAKOT 
- ang mga politiko ba na nangangako sa mga botante na iaahon sila sa kahirapan? 
- ang mga namundok ba na lumalaban sa mga sundalo ng pamahalaan? 
- ang mga pulis o sundalo ba na nagbubuwis ng buhay para sa bayan? 
- mga nasa media ba na tumutuligsa sa gobyerno? 


PATRIOTISM- love that people feel for their country. 
PATRIOT- a person who vigorously supports their country and is prepared to defend it against enemies or detractors. 


Mga Palatandaan na Ipinakita ni Moises ng Pagiging Makabayan. 

1. Mapagmalasakit ( self- sacrificing) Gawa 7:23-26
- nagpasya siyang dalawin ang kanyang mga kababayan. 
- ipinagtanggol niya ang kanyang kababayang inaapi. 
- sinikap pagkasunduin ang dalawang Israelitang nag-aaway. 

2. Masunurin sa Diyos (obedient to God) Gawa 7:30-34
 -nagpakita kay Moises ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punong-kahoy. 
- isinugo ng Panginoon si Moises sa Egipto 

3. Hindi Makasarili ( unselfish) Hebreo 11:24-26 
- tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesa na anak ng hari. 
- inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos. 
- itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas. 

Ang huwaran ng pagiging makabayan ay makikita kay Moises. 
- ang pagmamalasakit sa bayan at kababayan. 
- ang pagiging masunurin sa Diyos 
- ang di pagiging makasarili. 

             Ang pagiging makabayan ay hindi tungkol sa pananaw na mas mataas ang sariling bansa kumpara sa iba, kundi ito ay isang pananaw na ang bawat bansa ay mahalaga sa Diyos, kaya ito ay dapat nating mahalin. Kay Obispo Nicolas Zamora, kung paanong ang ibang bansa gaya ng Amerika, ay pinagkalooban ng Diyos ng kakayahan, ang mga Filipino ay gayundin naman.                  Ang kawalan ng pagtatangi at pag-iral ng pagkakapantay-pantay ay mahalaga sa simulain ng mga nagtatag ng IEMELIF. 

PURIHIN ANG PANGINOON!


Go Back to Website

Monday, February 6, 2017

ABRAHAM: HUWARAN NG PAGIGING MAKA-DIYOS (Abraham: A Model of Godliness)

Genesis 22:1-9
Ang Genesis 22 ay nangyari matapos ang maraming taon nang muling tiyakin ng Diyos ang Kanyang tipan kay Abraham. Nang masumpungan ng Diyos ang ganap na pagsunod ni Abraham, tiniyak Niya ang katuparan ng Kanyang pangako.

1. Inutusan ng Panginoon si Abraham na ihandog ang tanging anak na si Isaac sa lupain ng Moriah. v 1-2

2. Sumunod si Abraham sa utos ng Panginoon, at inihanda si Isaac para ihandog, at siya'y naglakbay sa lugar na sinabi ng Diyos. v 3-8

3. Nang mapatunayan ng anghel ng Panginoon ang tapat na pagsunod ni Abraham, pinigil niya ito sa pagsaksak kay Isaac, at sa halip ay naghandog ng isang hayop na kaloob ng Panginoon. Dahil dito, muling tiniyak ng Panginoon ang pangako ng pagpapala kay Abraham at sa lahat ng mga bansa. v 11-18

Inutusan... Sumunod... Pinagpala

       Ang ganap na pagiging maka-Diyos ni Abraham ay nagdulot o magdudulot ng pagpapala sa lahat ng mga bansa.

       Ang ganap na pagiging maka-Diyos ni Abraham ay kanyang ipinasa sa kanyang anak na si Isaac. Ito ay naging mabiyayang pamana ng kanyang pananampalataya sa Diyos.

       Sa ganito ring diwa, ang halimbawa ng pagiging maka- Diyos na iniwan ni Obispo Nicolas Zamora ay isang dakilang pamana ng pananampalataya.

       Ang IEMELIF ay bantayog ng pagiging maka-Diyos. Ngayon ay buwan ng pagkakatatag ng IEMELIF, isabuhay natin ang ganap na pagiging maka-Diyos, gaya ng halimbawa ng buhay ni Abraham, at ng halimbawa ng mga nagtatag ng Iglesia.

PURIHIN ANG PANGINOON.


Go Back to Website

Monday, January 30, 2017

ANG BIBLIA: TANGLAW SA ATING LANDAS (The Bible: Light Upon Our Way)

Awit 119:105

Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.

Ang Awit 119 ay itinuturing na MAGNUM OPUS o GREAT WORK na nagpupuri sa Kautusan ng Diyos. Nais ng Psalmista na iluklok ang TORAH o KAUTUSAN ng Diyos bilang sentro sa lahat ng buhay ng tao.

Sa madilim na landasin ng buhay sa mundo, ang Kautusan ng Diyos at ang pagsunod dito ang siyang patnubay upang magtagumpay at magkaroon ng kagalakan sa buhay.

1. Kilalanin natin ang Salita ng Panginoon bilang gabay, at italaga natin ang ating mga sarili na sundin ito. vv- 105-106

2. Idalangin natin na ipagkaloob sa atin ang tulong ng Diyos sa panahon ng ating mahigpit na kalagayan sa buhay. vv 107-110

3. Italaga natin ang ating mga sarili sa pagsunod sa kautusan habampanahon. vv 111-112

Bilang kapahayagan ng pagpapahalaga sa Biblia, ang pagsisimula ng taong 2017 ay magandang pasimula upang italaga ang sarili at panahon upang basahin ang Biblia, at maging source ng guidance sa pang-araw-araw na buhay.

Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.

PURIHIN ANG PANGINOON.


-----------------------------------------------------------------------------------

Go Back to Website
--------------------


Wednesday, January 25, 2017

Keep the Torch Burning


January 22, 2017

Keep the TORCH Burning - 2 Timothy 4:1-8


                    Inilarawan ni Apostol Pablo ang kanyang naging buhay paglilingkod. Ito na marahil ang kanyang huling sulat bago siya hatulan at mamatay sa Roma, sa panahon ng pag-uusing sa mga mananampalataya ni Emperador Nero.
                    Magkagayon man, si Pablo ay hindi kinakitaan ng panghihina o panlulupaypay, sa halip pinalakas pa ang loob ni Timoteo.
                    Keep the TORCH burning. Ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo at maging sa ating mga mananampalataya ay nakapaloob sa acronym na TORCH.

T- RUTH... Ang katotohanan ay ang Salita ng Diyos. Ipangaral mo ang Salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. (2 Tim 4:2)

O- BEDIENCE... Ang pagsunod na nais ng Diyos ay ang "Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo ng lubos ang iyong paglilingkod." (2 Tim 4:5)

R- ELEVANCE...Ito ay tumutukoy sa pangangaral o paglilingkod na umuugnay sa kasalukuyang kalagayan ng buhay o lipunan. Ipangaral ang Salita napapanahon man o hindi. (2 Tim 4:2)

C- HRIST CENTEREDNESS... Ang atas sa mga mananampalataya ay nagmula sa Panginoong Jesus. Siya ang ating dakilang halimbawa sa paglilingkod at pagtupad sa ating tungkulin. (2 Tim 4:1)

H- ONOR... Kung tatapusin natin ang takbuhin nang may pagtatapat, ang pangako ng Diyos ay ang korona ng gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. (2 Tim 4:8)

                    Sa Linggong ito, kilalanin natin ang ministeryo ng IEMELIF Bible College. Sa nakaraang 70 taon, ginamit ng Panginoon ang Instituto Ministerial at Layko at ang IEMELIF Bible College upang maging sentro ng pagsasanay at paghubog sa mga mag-aaral na nais pumasok sa ubasan ng Panginoon. Mula noon ay marami nang naging bunga ang paaralang ito. IBC kept the TORCH of Truth, Obedience, Relevance, Christ- Centeredness and Honor burning up to this day.

PURIHIN ANG PANGINOON.

-----------------------------------------------------------------------------------

Go Back to Website
--------------------


Sunday, January 15, 2017

ANG MGA KATANGIAN AT KAPAKINABANGAN NG SALITA NG DIYOS (Qualities and Benefits of the Word of God)

ANG MGA KATANGIAN AT KAPAKINABANGAN NG SALITA NG DIYOS (Qualities and Benefits of the Word of God)

Awit 19:7-10
7- Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.

8- Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata
9- Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10- Mga pinipitang higit kaysa ginto, oo higit kaysa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kaysa pulot, at sa pulot- pukyutan.
Ang Awit 19 ay isinulat ni Haring David upang ilarawan kung paanong ang pahayag o "revelation" ng Diyos ay masusumpungan sa pamamagitan ng Kanyang nilikha at ng kautusan. Isa rin ito sa mga "wisdom psalms" sa Aklat ng Awit dahil sa pagpapahalaga nito sa kautusan ng Diyos, at sa patnubay na ibinibigay nito sa tao. Ang Awit 19 ay masasabing isa sa mga greatest poems sa Aklat ng Awit.

Ang mga katawagan sa Salita ng Panginoon na mababasa sa Awit 19:7-9 ay nagbibigay ng emphasis sa kahalagahan ng Salita ng Diyos. Bawat isa ay mabuting pakinabang sa tao.

I. Ang Pagiging Sakdal ng Kautusan ng Panginoon ay Nagpapanauli sa kaluluwa, v 7
II. Ang Pagiging Tunay ng Patotoo ng Panginoon ay Nagbibigay ng Karunungan sa Payak na Isipan, v 7
III. Ang Pagiging Makatuwiran ng Utos ng Panginoon ay Nagpapagalak sa Puso, v 8
IV. Ang Pagiging Dalisay ng Tagubilin ng Panginoon ay Nagbibigay ng Hustong Pang-unawa, v 8
V. Ang Pagiging Malinis ng Takot sa Panginoon ay Nananatili Magpakailanman, v 9
VI. Ang Pagiging Makatarungan ng Hatol ng Panginoon ay Ganap na Matuwid, v 9
VII. Higit pa sa Dalisay na Ginto at Matamis na Pulot, ang Salita ng Panginoon ay Nagdudulot ng Lubos na Kasiyahan, v 10

Sa dami ng mga aklat sa kasalukuyang panahon, sinasabi na ang Biblia pa rin ang pinakamabili sa lahat (bestseller). Subalit, ito rin kaya ang pinakamahalagang aklat para sa isang tao? Gaano kahalaga para sa iyo ang Biblia?

-----------------------------------------------------------------------------------

Go Back to Website
--------------------